Si Aurelio Arienda, ay unang nagsampa ng reklamo sa Quezon City Regional Trial Court Branch 102 laban sa Government Service Insurance System makaraang kumpiskahin nito ang kanilang mga ari-arian dahil sa hindi nabayarang utang.
Subalit dahil sa kawalan ng merito ay ibinasura lamang ng hukom ang reklamo hanggang sa umakyat ang kaso sa Court of Appeals at sa Korte Suprema, subalit nabigo pa rin ang pamilya ni Arienda na makakuha ng desisyong pabor sa kanila.
Dahil sa sobrang pagkadismaya ay inireklamo ni Arienda ng graft and corruption si Court of Appeals Associate Justice Perlita Tirona dahil siya ang hukom na humawak sa kaso noong ito ay nasa QC-RTC pa lamang.
Maging sina Court Administrator Presbitero Velasco, Supreme Court Justice Consuelo Ynares Santiago at CA Justice Bennie dela Cruz bilang mga dating miyembro ng CA 11th division na nagbasura sa kaso ni Arienda ay inireklamo din ng huli.
Kinasuhan rin ni Arienda sina SC Justice Reynato Puno, ret. Justice Santiago Kapunan at Bernardo Pardo, pati na rin si Chief Justice Hilario Davide bilang mga miyembro ng SC 1st division na nagbasura rin sa reklamo nito.
Ipinaliwanag ng Supreme Court en banc na dapat lamang patawan ng contempt si Arienda dahil tinawag nitong crooks-in-robes ang mga Mahistrado at chief-swindlers-in robes naman si Davide.
Maituturing umano na pambabastos ang ginawang pag-aakusa ni Arienda laban sa mga Mahistrado, ayon pa sa SC. (Ulat ni Grace dela Cruz)