Nagpakilala ito na si Jonathan Tiongco, ng #21 Liszt St., Ideal Subdivision, Fairview, Quezon City.
Sa kanyang affidavit, sinabi nitong malayong kamag-anak si Roces na pinsan umano ng kanyang ama. Boluntaryo nyang ibinibigay ang kanyang serbisyo sa NBI upang pag-aralan ang kontrobersyal na "Gloria tape" upang malaman ang katotohanan sa likod nito. Sa kabila nito, hindi naman ito hinarap ni NBI Director Reynaldo Wycoco na umalis sa kanyang opisina maging sina Spokesman Atty. Ric Diaz at NBI-NCR chief, Atty. Edmund Arugay.
Ipinagmamalaki nito na nagtrabaho siya sa ibat ibang audio company sa Singapore at Estados Unidos. Naging agent rin umano siya ng International Federation of the Pornographic Industry sa US at nag-aaral ng forensic examination ng counterfeit audio material. Sa kanyang ekspertong opinyon , hindi siya naniniwala na "authentic" ito.
Ang isang wiretapped tape umano ay may pinakamahabang audio quality kung saan napakadali na i-alter ang isang tape . Imposible umano na madetermina kung dinoktor ang isang tapped na pag-uusap dahil sa "unrecoverable frequency loss".
Nagprisinta rin si Tiangco ng isang audio tape ukol sa dinoktor na pag-uusap nina dating US President Bill Clinton at Senator Bob Dole ukol sa viagra. Tinapyas-tapyas umano ang mga salita ng dalawa upang makabuo ng isang bagong pag-uusap at nabuo ang naturang tape. Sinabi nito na naging tapat na taga-suporta umano siya ng namayapang si Fernando Poe Jr. sa nakaraang eleksyon ngunit batid niya na ilang ganid sa kapangyarihan na politiko ang nasa likod ng pagpapalabas ng tape kaya siya lumantad upang itama ang pangyayari. (Ulat ni Danilo Garcia)