Paghihiganti motibo sa pagpaslang sa pulis
June 17, 2005 | 12:00am
Paghihiganti ang motibo sa brutal na pagkakapaslang sa isang pulis matapos na matagpuan ang katawan nito sa compartment ng kanyang sariling kotse sa Parañaque City. Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Vidal Querol, paghihiganti ang pinakamalakas na motibo sa pagkakapaslang kay PO1 Dennis Maligaya, 24, nakatalaga sa Regional Special Action Unit (RSAU) sa Camp Bagong Diwa, Taguig, matapos na madiskubre ang bangkay nito sa loob ng trunk ng kanyang kotse sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Avenue bago maghatinggabi noong Martes. Sa inisyal na ulat na natanggap ni Querol kahapon, nabatid na si Maligaya ay nasangkot sa gulo nang mabaril nito ang isa niyang kapitbahay sa Sampaloc, Maynila noong nakaraang Sabado na ngayon ay kasalukuyang ginagamot sa ospital. Nakulong si Maligaya sa Station 4 ng Western Police District sa Balic-Balic subalit pinalaya rin matapos na makipagkasundo sa tatay at kapatid ng kanyang nabaril. Bumalik na sa duty si Maligaya noong Martes subalit nagpaalam sa kanyang superior na aalis siya ng alas-8 ng gabi upang kunin ang kanyang kinumpiskang service firearm ng panggabing imbestigador nang araw na nakabaril siya. Matapos ang tatlong oras ay natagpuan na ang bangkay ni Maligaya sa kanyang asul na Toyota Corolla (UHR-429). (Ulat ni Edwin Balasa)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest