Sa naantalang ulat na nakarating sa Taguig Police, nakilala ang nakatakas na bilanggo na si Sally Ong, miyembro ng drug syndicate na nag-ooperate sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng hapon noong Sabado sa kahabaan ng FTI, Taguig City.
Sakay umano ang nabanggit na bilanggo sa isang taxi kasama ang mga escort na sina SJO1 Cherry Yaorra at JO2 Maribeth Gabad, kapwa nakatalaga sa Metro Manila Rehabilitation Center sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City. Hindi naman binanggit sa report kung saan dadalhin ng naturang mga jailguard ang bilanggong si Ong.
Habang binabagtas ng mga ito ang nabanggit na lugar ay bigla umanong hinarang sila ng mga armadong kalalakihan na pawang mga naka-motor. Tinutukan ng baril ang dalawang jailguard at saka tinangay ang inmate na si Ong.
Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)