Tanod iniwan ng live-in tinangkang mag-suicide

Nabalot ng tensyon ang mga bystander at kamag-anakan ng isang barangay tanod nang umakyat ito sa mataas na poste ng Meralco at nagtangkang magpakamatay matapos na iwan ng kanyang kasintahan, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Gayunman, makaraan ang ilang oras nakahinga na rin ng maluwag ang lahat maging ang mga nagrespondeng tauhan ng pulisya makaraang makumbinsing bumaba sa poste si Jun Cordero, 38, ng Cubao, Brgy. Immaculate Concepcion, Quezon City.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng madaling-araw sa kanto ng Aurora Blvd at Araneta Avenue sa Cubao, Quezon City.

Namataan na lamang ng mga residente si Cordero na nasa tuktok ng poste ng Meralco at nakitang akmang tatalon kung kaya’t agad silang humingi ng tulong sa pulisya.

Sa himpilan ng pulisya inamin ni Cordero na tinangka niyang magpakamatay dahil iniwan umano siya ng kanyang live-in partner na nakilalang si Michelle at nakisama sa ibang lalaki. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments