Hinihinalang may malaking kinalaman ang umanoy kinaanibang kulto ng mga ito sa pangyayari.
Nakilala ang nasawing biktima na si Paulita Bonifacio, religion teacher na nagtamo ng palo ng matigas ng bagay sa ulo, samantalang kasalukuyan pa ring hindi makausap dahil sa pagka-shock ang kaibigan nitong si Mary Claire Ruiz, registered nurse sa St. Martin de Porres at kaibigan ng nasawi. Nagtamo naman ito ng mga pasa, galos sa binti at kagat sa kamay at kasalukuyang inoobserbahan sa Victor Potenciano Medical Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, natagpuan ang mga biktima dakong alas-8 ng umaga sa loob ng inuupahang bahay ng nasawi sa unang palapag ng #724 Sta. Ana St., Brgy. Plainview ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa saksing si Fernando Quiambao, umuupa naman sa ikalawang palapag ng bahay, halos magdamag na narinig niya ang malakas at pasigaw na pagdarasal ng dalawang biktima sa loob ng inuupahang kuwarto. Hindi nila maiwasang sumilip at doon nakita nila na naka-hubot-hubad na nagdarasal ang dalawang biktima.
Kahapon ng umaga ay nagulat na lang ang mga umuupa sa ikalawang palapag ng bahay nang sa pagsilip nila sa kuwarto ng dalawa ay nakita nilang nakahandusay at duguan na si Bonifacio, habang takot na takot at nakatitig lamang dito si Ruiz na kapwa pa rin walang saplot sa katawan.
Hindi pa masabi ng pulisya kung pinatay ng kanyang kaibigan si Bonifacio o may sangkot na ibang tao sa pagkamatay nito dahil sa hindi pa makausap si Ruiz. (Ulat ni Edwin Balasa)