Kasalukuyang nakakulong si Jasmine Palomar, 22, tubong-Nabung-An Kabankalan, Negros Occidental at pansamantalang naninirahan sa #54 Don Gregorio St., Diliman, Quezon City.
Sa ulat ni PO3 Alberto Eustaquio, may hawak ng kaso, dakong alas-11:30 nang maaresto ang suspect sa pinagtataguan nitong bahay sa Antipolo City.
Si Palomar ay inaresto matapos itong ireklamo ng kanyang among si Peter Go, may-ari ng Metro Printer Inc. na matatagpuan sa #2123 C. Cordero St., 2nd Avenue, Caloocan City.
Sa naging pahayag ng biktima sa pulisya, bukod sa P10,000 cash, tinangay din ng suspect ang isang Tag Huer na mens watch na nagkakahalaga ng P35,000, isang Bulgari gold necklace na nagkakahalaga ng P8,500; isang bote ng pabangong Hugo Boss na nagkakahalaga ng P1,500; Nike rubber baller na P750; isang silver necklace na nagkakahalaga ng P3,500 at dalawang piraso ng Nike t-shirt.
Nadiskubre ng biktima ang pagnanakaw ng katulong nang makita ni Go na suot ng nobyo ng suspect na hindi na nakuha ang pangalan, ang sapatos nito na matagal na niyang hinahanap, dahilan upang maghinala ito at tuluyang dumulog sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang katulong.
Bagamat naaresto ang suspect, hindi na rin nabawi ng biktima ang pera at mga gamit na ninakaw ng katulong kayat nagpasya na ang amo nito na sampahan na lamang ng kaso si Palomar. (Ulat ni Rose Tamayo)