Sasakyang gumagamit ng freon sa aircon, hindi na irerehistro

Kinumpirma kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na hindi na irerehistro ng ahensiya ang lahat ng uri ng sasakyan na may model 1999 pababa kung freon ang gamit sa kanilang airconditioning units.

Ito ang sinabi kahapon ni LTO Executive Director Atty. Bella Bermundo bilang pagtalima ng ahensiya sa itinakda ng Montreal Protocol. Layunin nito na maalis ang chlorofluorocarbon (CFC ) sa susunod na sampung taon.

Kaugnay nito, hinikayat din ng LTO ang mga car owners sa kasalukuyan na ugaliing gamitin ang hydroflourocarbon (HFC) sa aircon ng kanilang sasakyan dahil wala itong epekto sa kapaligiran.

Hihingi din ang LTO ng tulong sa media upang maipagbigay alam sa publiko hingil sa naturang programa.

"Para naman pagdating ng tamang panahon, hindi kami masisisi ng mga car owners kung bakit hindi maaaring mairehistro ang mga sasakyan na gumagamit ng freon sa kanilang mga aircon.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Bermundo na patuloy ang koordinasyon ng kanilang ahensiya sa DENR, DILG at iba pang non-government organization para mapagtulungan nilang maalis ang paggamit ng mga non-environment friendly substances tulad ng freon. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments