Lumalabas na paghihiganti at pagnanakaw ang motibo sa isinagawang pagpaslang makaraang isa sa nadakip na suspect ay ang sinibak na panadero ng pamilya.
Iniharap ni Taguig City Mayor Sigfrido Tinga sa mga mamamahayag ang mga nadakip na suspect na nakilalang sina Albert Leonor, 22, ng San Francisco, Bulacan; Eduardo Ave, alyas Digs, 32; Joseph Geofro, alyas Jojo, 24; at Jeffrey Prima, alyas Buboy 18, pawang taga-Sitio Santo Niño, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.
Ang mga nabanggit na suspect ay responsable sa brutal na pagpaslang sa mga biktimang sina Antonio Napura, 54, sa asawa nitong si Hayda, 44, na pinugutan pa ng ulo, sa kanilang ampon na si Haidi, 3 at sa katulong na si Tata Netis, 18, na naganap noong nakalipas na Linggo, Mayo 29 sa loob mismo ng kanilang bahay sa ISG Central, Sitio Santo Nino ng nabanggit na lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, inamin ni Leonor na sangkot siya sa naturang kaso, ngunit nagsilbi lamang siyang look-out.
Nabatid pa na si Leonor ay dating panadero ng pamilya Napura na sinibak ng biktimang si Hayda dahil sa pagiging pala-absent nito.
Nakiusap ito na ibalik siya sa trabaho dahil sa kailangan niya ng pera dahil sa buntis ang nobya nito at magpapakasal na rin sila.
Gayunman, hindi na ito tinanggap na muli ni Hayda dahil nga bukod sa pagiging pala-absent at nakitaan ito ng kakaibang pag-uugali na parang isang baliw, ayon kay Antonio Nalagay, kapatid ni Hayda.
Napag-alaman pa na noong 8-anyos pa lamang si Leonor ay nasaksihan na nito ang ginawang pagpugot sa kanyang ama sa Masbate.
Sa interogasyon namang isinagawa sa nobya ni Leonor noong Mayo 29, dakong alas-9:30 ng umaga, labis ang kanyang pagtataka dahil sa pinuntahan siya nito sa Bulacan. Binigyan pa umano siya ng P6,000 at wedding ring na gagamitin sa kanilang pagpapakasal. Nakita rin niya na may nilabhan itong short pants na may bahid ng dugo.
Ang tatlo pang suspect ay nadakip sa isinagawa pang magkakahiwalay na operasyon.
Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban sa mga suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)