Shootout: 2 holdaper todas

Naudlot ang tangkang panghoholdap ng isang grupo ng mga holdaper makaraang dalawa sa kanilang mga kasamahan ang napatay matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER), kahapon sa Tondo, Maynila.

Patuloy na kinikilala ang mga nasawi na kapwa nasa pagitan ng 30-40 anyos, ang isa’y nakasuot ng maong shorts, may bigote at may taas na 5’7 talampakan at naka-tsinelas, habang ang isa naman ay nakasuot ng itim na t-shirt, gray na short at may taas na 5’6 talampakan.

Sa inisyal na ulat ng Western Police District, naganap ang umano’y shootout dakong ala-1:45 ng hapon sa may Delpan Bridge sa Tondo.

Nabatid na tinangkang holdapin ng may 10 armadong suspect si Fe Villegas, administration officer ng Gothong Shipping Lines na sakay ng isang pick-up van patungo sa bangko ng kompanya upang ideposito ang mga dalang tseke.

Nabatid na sakay naman sa isang Tamaraw FX ang mga suspect at hinarang ang sinasakyan ni Villegas.

Tiyempo naman na kabuntot ng mga suspect ang grupo ng PACER kung saan agad na nagkaroon ng putukan na naging sanhi sa pagkamatay ng dalawa sa mga suspect habang mabilis na nakatakas ang mga kasamahan ng mga ito.

Ayon sa PACER mga miyembro umano ng ‘Abuyong Gang’ ang mga suspect at matagal na nilang isinasailalim sa surveillance dahil sa ulat ng operasyon ng mga ito sa naturang lugar. Masuwerte naman na natiyempuhan nila ang mga suspect habang isasagawa ang panghoholdap.

Patuloy namang tinutugis ang iba pang mga kasamahan ng mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments