Pulis kumasa: Holdaper dedo, 1 tiklo

Patay ang isang holdaper habang arestado naman ang isang kasama nito nang pagbabarilin ng pulis na pasahero din ng hinoldap na jeep kahapon ng umaga sa kahabaan ng Marcos Highway sa Marikina City.

Dead-on-the-spot ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Christopher Cabilles, 27, ng Blk. 19 Lot 5, Sitio Tanglaw, Cogeo, Antipolo matapos na magtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantalang natimbog naman si Richard de Leon, 27, ng Brgy. Padilla, Marikina City habang nakatakas ang isa pa.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa Marcos Highway.

Sakay ng pampasaherong jeep ang nakasibilyang pulis na si PO1 Lonoso Lonilo ng PNP-Special Action Force sa Botolan, Zambales nang magdeklara ng holdap ang tatlong suspect na pawang mga armado ng patalim.

Habang abala sa paglilimas ng mga gamit ang mga suspect nakakuha naman ng pagkakataon si Lonilo na bunutin ang kanyang 9mm service firearm at pinaputukan ng apat na ulit si Cabilles.

Dahil dito, agad na tumakbo ang dalawa subalit minalas ding naaresto ni Lonilo si de Leon habang nakatakas ang isa pa.

Ang nakatakas na suspect ay nagtamo din ng tama ng bala ng baril sa tiyan kung kaya’t bineberipika ng mga awtoridad ang ospital na posibleng puntahan nito.

Show comments