2 katulong natusta sa sunog, 4 pa sugatan

Magkayakap na natusta ang dalawang katulong samantalang sugatan naman ang apat pang katao kabilang ang tatlong bumbero nang tupukin ng apoy ang isang bahay kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.

Hindi na makilala pa ang bangkay ng mga biktima na sina Wilma Castaneda, 25 at Medy Badanguisvi, 22, kapwa stay-in sa Blk. 3 Lot 3 Equity Homes, Brgy. San Antonio Valley 1 ng naturan ding lungsod.

Samantalang nilalapatan naman ng lunas sa ospital sina F/Sr. Insp. Elbambo; SFO4 Francisco; FO2 Villalino at ang isang kaanak ni Olivia Batara, amo ng mga nasawi.

Nasugatan ang mga naturang bumbero nang ibinababa na nila ang mga bangkay.

Tinatayang aabot naman sa mahigit P2 milyong halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dakong ala-1:53 ng madaling-araw nang maganap ang sunog sa bahay ng pamilya Batara sa nasabing address.

Mabilis umanong kumalat ang apoy matapos sumabog ang tangke ng LPG hanggang sa kumalat na ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments