Nasawi noon din ang biktimang si Marife Colminas, tubong Marikina City, stay-in sa pinagtatrabahuhan nito sa 512 Pamayanang Diego Silang, Brgy. Ususan, Taguig City. Nagtamo ito ng isang tama ng bala ng baril sa ulo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Conrado Mapili, ng Taguig Police, dakong alas- 6 ng gabi ng maganap ang insidente.
Ayon sa amo nitong si PO2 Renee Pulmar, nakatalaga sa Central Police District (CPD), umuwi sila ng kanyang asawa dakong alas-6 ng gabi at ilang minuto silang kumakatok sa kanilang bahay subalit hindi sila pinagbubuksan ni Colminas.
Mabuti na lamang at dala nila ang duplicate key sa bahay at nang kanilang buksan ang pintuan ay sumambulat sa kanilang ang nakahandusay at duguang si Colminas na wala nang buhay.
Isang suicide note ang nakuha dito para sa kanyang mga amo.
Nakasaad dito, ang paghingi niya ng tawad sa kanyang ginawa at ipinakiusap na lahat ng kanyang kagamitan ay dalhin sa kanyang pamilya.
Nakasaad pa sa suicide note na hindi na niya kayang tagalan ang mahirap na buhay. Labis din itong nalulungkot dahil sa hindi niya maayos na masuportahan ang kanyang pamilya.
Hindi binanggit sa ulat kung kanino at saan nakuha ni Colminas ang ginamit na baril sa pagpapakamatay.
Patuloy pa ring sinisiyasat ang insidente. (Ulat ni Lordeth Bonilla)