Kung kaya, malinaw na hindi pa maaaring makapaningil ng bagong pasahe na P7.50 ang mga PUJ at PUBs na dapat sana ay sisimulan na bukas, base sa unang kautusang ipinalabas.
Sa pagdinig na ginawa ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), sinabi ni Atty. Felix Racadio na tigil muna ang implementasyon ng bagong singil sa pasahe dahil bibilang pa sila ng dalawang linggo para magpalabas ng resolusyon hinggil sa mga inilatag na sentimyento ng mga oppositors sa fare increase at sa inilatag ding sentimyento ng petitioners.
Ayon sa mga oppositor na sina Elvira Medina, Pangulo ng National Council for Commuters Protection, Antonio Baltazar, Atty. Manny Iway ng Cebu, hindi dapat magkaroon ng fare increase dahil wala namang naisagawang public hearing, walang basehan at wala namang nag-file para sa fare increase sa Cebu.
Ayon naman sa petitioners na pinangungunahan ni Atty. Vigor Mendoza ng FEJODAP, kailangang P2 ang maging taas sa singil sa pasahe sa Regions 6, 10, 11 at 12 at hindi piso lamang dahil sa hirap ng buhay.
Bunsod nito, nagtakda ang LTFRB board ng limang araw para sa mga oppositors para mag-submit ng comment hinggil sa kanilang pagtutol sa fare increase at limang araw din ang ibinigay sa petitioners upang magsumite din ng komento kung bakit kailangang gawing P2 ang itaas sa pasahe sa naturang mga rehiyon.
"Pagkatapos na makuha namin ang kanilang mga sagot at napag-aralan ang kanilang mga sentimiento, thats the time na magpapalabas kami ng resolusyon para diyan at isasapubliko natin kung maaari nang maipatupad ang fare increase" pahayag ni Atty. Racadio.
Samantala, nilusob kahapon ng grupong PISTON ang main office ng LTFRB upang isulong ang tuluyang pagbasura sa implementasyon ng P2 dagdag-pasahe.
Bagaman at pansamantalang ipinatigil ng LTFRB ang pagpapatupad sa nasabing fare hike sa Mayo 26, iginiit naman ng pangulo ng PISTON na si Mar Garvida na hindi ito ang sagot sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Binatikos ng PISTON ang LTFRB na umanoy kunsintidor sa sabwatan ng mga kumpanya ng langis at pamahalaan para linlangin ang publiko sa tunay na suliranin ng maliliit na drivers at operators ng mga pampasaherong sasakyan.
Maliban dito, inangalan ng PISTON ang nakaambang implementasyon ng value added tax (VAT) dahil posibleng mararanasan ang epekto nito sa darating na pasukan ng klase sa Hunyo. (Ulat ni Angie dela Cruz)