Sinabi ni Sen. Lim, hindi dapat maging limitado sa jueteng ang isasagawang imbestigasyon ng Senado dahil hindi lamang ito ang sugal na namamayagpag sa bansa.
Wika pa ni Lim, mas masahol pa ang idinudulot na perwisyo ng video-karera machines at fruit games dahil ang nahuhumaling sa sugal na ito ay mga kabataang estudyante.
Kaugnay nito, isang listahan ng mga masiao, last 2 digits, suertes at video-karera operators sa Visayas at Mindanao ang ipinadala ng isang concerned citizen na nagpakilalang Mr. G sa tanggapan ni Sen. Lito Lapid.
Kabilang sa tinutukoy na umanoy mga masiao operators ay sina Rex "Wacky" Salud ng Central Visayas; Bebing Canada ng Canlaon, Negros Oriental; Reynaldo Macalua ng Tayasan at Guinulgan, Negros Oriental; Rommel Dy ng Negros Oriental; Francisco Reyes alyas Apyot ng Bais City; Neficiforo "Chicoy" Divinagracia ng Sibulan, Negros Oriental; Samuel Liquiaco ng Dumaguete City; Rolando Blanco ng Tagbilaran City; Teresa Timbal at Orlando Tanedo ng Bohol; Leonardo Omega alyas Bantay at Leonardo Patis alyas Toytoy ng Northern Samar.
Ang mga tinukoy namang mga umanoy operators ng suertes sa Cagayan de Oro City na pinagmulan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel ay sina Yan Lam Lim alyas Alam; Reynaldo Tan, Boy Ramos, Ex-Mayor Puertas, Romy Nolasco, Tito Yee at Ely Mata; Ruben Dy ng Iligan City at Misamis Oriental at Wek Wek Uy ng Gingoog City at Antonio Boy Lopez na umanoy operator naman ng 1st 2 digits sa Negros Occidental.
Bukod dito, tinukoy din sa liham ni Mr. G kay Sen.Lapid ang mga video-karera operators sa Cebu City na kinabibilangan umano nina Antonio Acebedo, Wendel Go, Lary Pelenia, Danny Palermo, Aljun Abella at Robert Tagalog.
Samantala, malaki ang paniniwala ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na walang mangyayari sa imbestigasyon ng jueteng sa Senado dahil hearsay lamang ang mga alegasyon ng mga witnesses na nag-uugnay kay First Gentleman Mike Arroyo at Pampanga Rep. Mikey Arroyo.
Sinabi pa ni Sen. Santiago na dapat ipaubaya na lamang sa mga nararapat na ahensiya ang pag-iimbestiga dito dahil pagsasayang lamang ng panahon ang naturang jueteng probe. (Ulat ni Rudy Andal)