Sinabi ni NBI director Reynaldo Wycoco na hindi na nakarating pa kay Ylarde ang subpoena buhat sa Department of Justice (DOJ) matapos na kusang lumapit ito kay Special Task Force chief Reynaldo Esmeralde upang isuko ang sarili kasama ang abugado na si Atty. Joel Descallar.
Sa pagharap sa mga mamamahayag, itinanggi ni Ylarde na may kinalaman siya sa pagpaslang kay Agustin. Inamin nito na naapektuhan siya sa mga banat sa kolum sa diyaryo ng biktima ng Starline Times Recorder kung saan kinonsulta niya ang mga miyembro ng kanilang Sangguniang Bayan at nagpasya na sampahan ito ng libelo.
Itinanggi rin nito ang nakalagay sa banat ni Agustin na winaldas niya ang emergency fund ng bayan para sa sariling interes.
Idinagdag pa nito na kilala niya ng personal si Agustin dahil sa tumakbo itong alkalde ng bayan noong 1992 ngunit natalo ito. Sandali umano itong nawala sa bayan at nang bumalik ay nabalitaan niya na nagbenta ng mga titulo ng lupa sa may 200 katao ngunit mga peke umano.
Sa kabila nito, inamin naman ni Ylarde na kilala niya ng personal ang mga suspect na sina Nilo "Boyet" Morete, ang gunman; Manuel Alday at look-out na si Rey Morete dahil sa kinuha umano niya ang mga ito na magtrabaho sa programa ng gobyerno na "Oyster Project" o tagalinis ng kanilang kalsada.
Hindi naman umano totoo na nasa payroll niya ang mga ito dahil sa DPWH sila kumukuha ng suweldo.
Wala rin naman siyang kilala na posibleng sangkot sa pagpaslang kay Agustin ngunit inatasan nito ang pulisya sa kanilang bayan na magsagawa ng ibayong imbestigasyon.