Sa dalawang pahinang memorandum na ipinadala ni NAPOLCOM Vice Chairperson and Executive Officer Imelda Crisol-Roces kay Lomibao, inatasan nito ang huli sa agarang pagpataw nito ng aksyon sa pagkakasangkot sa katiwalian ng 21 pulis ng CPD na kinabibilangan nina P/Insp. Tito P. Castro, SPO4 Domingo M. Corpuz, SPO4 Florencio Bautista, PO3 Jose L. Dequilla II, PO3 Venus Dimita, PO2 Armando Carr, PO2 Enrico Viterbo, PO3 Edgardo Talocay at PO3 Rey Santos.
Batay sa ulat ng Inspection Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng NAPOLCOM, naganap ang pagpapabaya sa tungkulin ng mga nabanggit na pulis noong Mayo 1, 2005 habang nakataas ang red alert status sa buong bansa sa selebrasyon ng Labor Day.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng inspection ang IMIS sa area ng Philcoa sa Quezon City kung saan nakatalaga ang 21 pulis ng CPD at nahuli ang mga ito sa aktong nag-iinuman ng alak na pawang nakasuot ng kanilang mga uniporme.
Dahil dito, mariing inatasan ng pamunuan ng NAPOLCOM si Lomibao na agad na kastiguhin ang nasabing 21 pulis ng CPD. (Ulat ni Lordeth Bonilla)