Ama tinodas ng 2 pulis-Maynila

Nasawi ang isang 54-anyos na ama matapos na barilin sa ulo ng isa sa dalawang lasing na pulis-WPD makaraang ipagtanggol ng una ang kanyang anak, kamakalawa ng gabi sa Sta. Mesa, Maynila.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktima na kinilalang si Luis Fredaluces, misyonaryo ng Servant of Mama Mary at residente ng 4020 Dangal St., Bacood ng nabanggit na lungsod.

Mabilis namang tumakas ang pulis na suspect na si PO2 Roman Rodriguez, nakatalaga sa Station 7 ng Western Police District WPD), habang ang kasamahan nitong si PO2 Arturo Ladia, 40-anyos ay mabilis namang isinugod sa Ospital ng Maynila makaraang tamaan ito ng bala ng baril sa hita.

Batay sa ulat ng WPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:30 sa harapan mismo ng bahay ng biktima kung saan sinundan ng mga suspect ang anak nito na si Ryan, 27-anyos.

Nabatid na bago nangyari ang krimen, unang nakagitgitan sa trapiko ng mga suspect na noo’y sakay ng kulay abo na Toyota Vios na may plakang XRC-484 si Ryan na noon naman ay sakay ng isang Honda Civic na may plakang UDE-726 sa kahabaan ng Valenzuela St., Sta. Mesa, Manila kung saan nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga ito hanggang sa makarating sa tapat ng bahay ng biktima.

Hiningi umano ng mga suspect ang lisensya sa pagmamaneho ni Ryan at nang tumangging ibigay ito ay hinablot ng mga suspect ang susi ng kanyang kotse.

Nang makita ng kararating lamang na ama ni Ryan ang pangyayari ay nakipagtalo at ipinagtanggol ng una ang anak sa mga suspect na pulis na labis na ikinagalit naman ng mga huli at dito ay agad na binaril ni PO2 Rodriguez ng malapitan sa ulo ang ama ni Ryan.

Napag-alaman na walang habas na nagpaputok pa umano si PO2 Rodriguez nang umalma ang mga residente sa ginawa nito dahilan upang matamaan sa hita ang kasamahan nito na si PO2 Ladia.

Nagawa namang makatakas ni PO2 Rodriguez matapos ang insidente kung saan ay kasalukuyan na itong pinaghahanap ng mga kasamahan nitong pulis upang papanagutin sa nagawa niyang krimen.

Show comments