2 itinumba sa QC

Kapwa tadtad ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang dalawang lalaki na hinihinalang mga drug-pusher nang matagpuan kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Kinilala ni CPD director Chief Supt. Nicasio Radovan ang mga sinalvage na sina Avelino T. Aycardo, 41, at Joel Carino, 23.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:29 ng madaling-araw sa Queen St., Forest Hills Subdivision, Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Isa sa mga residente sa lugar na nakilalang si Leo Villamor ang nagsabing bigla na lamang silang nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nang dumungaw siya sa bintana ay nakita niya ang isang kulay itim na kotse na mabilis na tumalilis.

Nang tunguhin ang lugar ay doon nakita ang dalawang biktima na duguang nakahandusay.

Idinagdag ng pulisya na posibleng may kinalaman sa droga ang ginawang pamamaril sa dalawang biktima dahil sa hinihinalang mga ‘tulak’ sa droga ang mga nasawi at may kaugnayan sa sindikato. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments