Nakilala ang mga nadakip na sina Allen John Tosoc, 42, dating NBI security officer; at si Rico Albino, 48, supervisor ng Casa de Antonio Pension House.
Sa ulat ng CIDG, nag-ugat ang pagkakadakip sa mga suspect matapos na magreklamo sa kanila ang biktimang si Leonardo Guevarra, 34, security guard ng Government Security and Investigation Services at residente ng Dagupan, Tondo.
Ayon kay Guevarra, ni-recruit umano siya ni Tosoc na maging confidential agent ng NBI kapalit ng halagang P25,000 bilang membership fee at pag-iisyu ng CA badge at identification card.
Agad namang nakipagkoordinasyon kay NBI Director Reynaldo Wycoco ang mga elemento ng CIDG kung saan nabatid na itinigil na ng ahensiya ang pagre-recruit ng mga confidential agent.
Nabatid pa na natanggal na sa trabaho bilang security officer si Tosoc noon pang Nobyembre 18, 2004 at nahaharap sa kasong alarm and scandal sa Manila Regional Trial Court.
Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang NBI sa loob ng isang fastfood chain sa Taft Avenue, sa tapat mismo ng NBI kung saan nadakip ang mga suspect habang tinatanggap ang marked money buhat kay Guevarra.
Nakadetine ngayon sa CIDG detention cell ang mga suspect at nahaharap sa mga kasong usurpation of authority at robbery with extortion sa Manila Prosecutors Office. (Ulat ni Danilo Garcia)