Sa 57-pahinang desisyon ni Judge Victoriano Alvaro ng RTC Branch 120, ang akusadong si Joseph Manique, 32, ng Vista Verde Subd. North Kaybiga, Caloocan City ay napatunayang nagkasala at hinatulan ng dalawang ulit na parusang kamatayan. Bukod dito, inatasan din ng korte si Manique na magbayad ng kabuuang P1 milyon bilang danyos sa iniharap ditong kaso.
Sa rekord ng korte, naaresto si Manique dakong alas-11 ng umaga noong Enero 18, 2001 ng mga tauhan ng PNP-Narcotics sa isinagawang buy-bust operation sa harapan ng isang karinderya na matatagpuan sa Toronto St., Vista Verde Subd., North Kaybiga.
Sa isinagawang paglilitis, sinabi ni Manique na biktima lamang siya ng frame-up ng mga pulis at nakatakda na umano nilang isuko ang sampung kilo ng shabu na aksidente nilang nadiskubre.
Ayon pa dito, nakita nilang lumulutang ang isang plastic container sa kanilang lugar sa gitna ng malakas na pag-ulan at nang kanilang tingnan ang laman nito ay nabatid nilang mayroon humigit-kumulang sa 30 kilo ng shabu ang nasa loob.
Agad din umano nila itong ipinaalam sa kanilang kaanak na si dating NBI director Carlos Caabay ngunit dahil sa pagiging busy nito at pagkakaroon ng sakit ay hindi sila natulungan. Nilapitan nila si PO2 Nicandro Tamayo ngunit pagdating nila sa himpilan ng pulisya ay pilit na pinaamin siya nito na sa kanya nahuli ang naturang mga droga.
Sinabi ng korte na hindi kapani-paniwala ang sinasabi ni Manique na isusuko niya ang naturang droga dahil nagtagal na ito sa kanyang pangangalaga bago tuluyang napasakamay ng mga awtoridad.
Napatunayan din umano ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad makaraang naging positibo ang kamay ni Manique sa ultra violet powder makaraang tanggapin nito ang marked money. (Ulat ni Rose Tamayo)