Ketamine laboratory sa QC, ni-raid

Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Anti- Illegal Drugs Special Operation Task Force (AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang bahay ng isang Chinese national na natuklasang ginawang ketamine laboratory kasabay ng pagkakadakip sa caretaker nito, kahapon ng tanghali sa Quezon City.

Kasabay nito, nakuha din sa lugar ang may 6.8 kilo ng ketamine na tinatayang aabot sa P37 milyon; iba’t ibang gamit sa paggawa ng ketamine at mga sangkap nito.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni QC Executive Judge Natividad Dizon, pinasok ang bahay ni Johnson Chua, lider ng Johnson Chua Group sa No. 9 Apo St. Brgy. Sta. Teresita at nasakote si Jay R. Avillanosa, caretaker sa naturang ketamine laboratory.

Ayon kay AIDSOTF chief, Director General Ricardo de Leon, ang raid ay bunsod na rin ng testimonya ni Melchor Martinez, alyas Tata at Mr. Wong na unang nadakip ng grupo sa Kanlaon St. noong Miyerkules..

Ikinanta ni Martinez ang lugar na kanilang ginagawang ketamine lab kung kaya’t isinagawa ang operasyon. Inabangan ng mga awtoridad ang pagpasok ni Avillanosa sa nasabing bahay.

Nabatid kay de Leon na ang grupo ni Chua ang responsable sa pagkakaroon ng local operation ng ketamine sa lalawigan ng Davao at Cagayan de Oro na matagal nang sinusubaybayan ng kanyang mga tauhan. Subalit si Chua ay Enero pa nakalabas ng bansa.

Sinabi naman QC Acting Mayor Herbert Bautista na ikalawa na ito ng insidente ng pagkakadiskubre ng ketamine lab kung saan ang unang laboratoryo ay natagpuan sa Brgy. Holy Spirit, sa nabanggit ding lungsod.

Ayon kay Bautista, aktibo pa rin ang QC Anti-Drug Abuse Council (QCADAC) sa pagmo-monitor ng mga lugar sa lungsod na sangkot sa iligal na droga.

Napag-alaman naman sa ilang residente na sinalakay na rin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang naturang lugar anim na taon na ang nakararaan. (Ulat nina Doris Franche at Joy Cantos)

Show comments