Maid utas sa sagasa

Basag ang bungo ng isang katulong matapos itong masagasaan ng pampasaherong bus at humampas ang ulo sa poste ng MRT kahapon ng umaga sa Quezon City.

Namatay noon din ang biktima na si Carmelita Borgonio, 60, stay-in sa no. 32 Yale St. Cubao, Quezon City, nang salpukin ng Marikina Bus Line na may plakang NXW-904 at tumama ang ulo sa poste ng MRT.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon ng QC Traffic Bureau, dakong alas-11 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Yale St. at Aurora Blvd. sa Cubao nang papatawid ang biktima at minalas na mahagip ng bus.

Agad namang tumakas ang driver at konduktor ng bus matapos ang insidente.

Ayon kay Antonio Zacaria, amo ng biktima inutusan lamang ito na bumili ng toothpaste hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa pamunuan ng Marikina Bus Line upang malaman kung saan nakatira ang driver at konduktor ng nasabing bus. (Doris Franche)

Show comments