Kaso inihahanda vs 4 suspects sa DFA exec slay

Inihahanda na ng ‘Task Force Alicia’ ang paghaharap ng kasong murder laban sa apat na suspects kabilang ang kanilang mastermind na may kinalaman sa brutal na pagpaslang kay Foreign Affairs Assistant Secretary Alicia Ramos sa loob ng kanyang bahay sa Makati City.

Napag-alaman na kilala nang lahat ang apat na suspects, isa sa mga ito ay kinilalang si Obet na sinasabing lider ng grupo.

Kasabay nito, isang manhunt operation na ang isinasagawa ng mga awtoridad sa natitira pang tatlong suspect kabilang si Obet.

Magugunitang hawak na ng mga awtoridad ang isa sa mga suspect na kinilala lamang sa alyas na Dodong na natunton sa pinaglunggaan nito sa Montalban, Rizal.

Base sa nakalap na ulat si Obet umano ay dating kapitbahay ng biktimang si Ramos. Ito rin umano ang siyang nagplano sa naturang krimen.

Nabatid pa na mismong si Obet pa umano ang nag-suggest noon sa nasawing si Ramos na pataasan ang bakod sa bakuran nito para hindi mapasok ng mga magnanakaw.

Sinamantala umano nito ang pagiging ‘tiwala’ sa kanya ni Ramos at isinagawa ang krimen.

Lumalabas na pagnanakaw ang motibo sa pagpaslang, gayunman hindi rin isinasara ng mga awtoridad sa isang anggulo lamang ang kaso.

Magugunitang natagpuang patay sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Palanan sa Makati City si Ramos noong nakalipas na Abril 24 ng madaling-araw.

Ang kapatid ng nasawi na si Leticia Ramos na director din sa DFA ay nasugatan din sa insidente. (Ulat nina Jaime Laude at Gemma Amargo-Garcia)

Show comments