SWAT sa CAMANAVA sasalang sa seminar

Ipinag-utos kahapon ni Northern Police District Office (NPDO) Director Sr. Supt. Raul Gonzales na muling isalang sa seminar ang lahat ng miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa buong CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) dahil sa pagkakamali ng apat na miyembro nito sa isang pamilya na napagkamalang mga holdaper, kamakalawa ng madaling-araw sa Caloocan City.

Ayon kay Gonzales, ang kanyang kautusan ay hindi para ibaba ang dangal ng kanyang mga tauhan kundi upang ipaalala sa mga ito ang nararapat na gawin sa tuwing nagkakaroon ng iba’t ibang klaseng operasyon.

Samantala, kasalukuyan nang hinahanda ang kaukulang kaso laban sa mga pulis na sina PO3 Rodel Ramos, PO2s Pedro Reyes, Rigo llago at Carlos Yap, pawang mga miyembro ng SWAT ng Navotas Police.

Isinalang na rin sa ballistic examination ang apat na pulis upang matukoy kung positibo ang mga ito sa powder burns na siyang gagamitin sa paghahain ng kaso laban sa mga ito.

Sa nakalap na impormasyon, hindi dumaan sa sapat na training ang apat na pumalpak na SWAT kaya’t hindi kataka-taka kung nagkaroon man ng aberya ang mga ito sa isinagawang operasyon.

Ayon pa sa source, itinalaga lamang ito ni Supt. Genesis Tolejano bilang mga miyembro ng SWAT nang hindi man lamang inaalam ang credentials ng mga ito.

Matatandaan na niratrat ng apat na nabanggit ang pamilya ni Filbert Bagtas habang tinatahak ang kahabaan ng C-3 Road, Caloocan City, sakay ng kanilang Tamaraw FX, dakong alas-5:30 ng umaga noong Miyerkules. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments