2 kinatay sa gitna ng inuman

Dalawang construction worker ang namatay matapos na pagtulungang saksakin ng tatlong kalalakihan nang tumanggi ang mga una na umalis sa kanilang tagayan habang nagdiriwang ng piyesta, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Patay na nang idating sa Valenzuela General Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan si Felix Sison, 23, habang ang kasambahay nitong si John Laban ay namatay naman habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi rin ng mga tama ng saksak sa katawan.

Arestado naman ang isa sa mga suspect na si Nelson Tarrayo, 37, security guard, habang ang dalawang kasama nito na nakilala lamang sa alyas na Danny at Mario ay mabilis na nakatakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ni Tarrayo.

Nabatid na nakipiyesta ang mga biktima sa isang kaibigan sa lugar ng mga suspect na inabutan na ng mga ito na nag-uumpisa na ang tagayan.

Makalipas ang ilang sandali, agad na kinuwestiyon ng arestadong suspect ang dalawang biktima kung bakit nakikiumpok sa kanila gayong hindi naman nila ito kakilala.

Nagpaliwanag naman ang mga biktima na kaya sila nakikiumpok ay dahil ang nag-imbita sa kanila ay isa sa mga kainuman nito ngunit hindi ito pinakinggan ng suspect at sa halip ay pinalalayas ang dalawang nasawi.

Dahil naman sa pakiusap ng nag-imbita sa mga biktima ay nanatili pa rin ang dalawa ngunit ilang sandali pa ay bigla na lamang bumunot ng patalim si Tarrayo at ang dalawa pa nitong kasama at magkakasunod na inundayan ng saksak ang nabiglang mga biktima.

Nang matiyak ng mga suspect na hindi na mabubuhay ang mga biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga ito habang agad namang isinugod sa magkahiwalay na pagamutan ang dalawang nasawi.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad, nadakip ang suspect na si Tarrayo na naghahanda na upang tumakas samantalang ang dalawang kasama nito ay tuluyan nang nakalayo. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments