Sa ginanap na press conference kahapon, sinabi ni DILG Secretary Angelo Reyes na limang puntos ang dapat na ikonsidera ng kapulisan sa Araw ng Paggawa.
Kinabibilangan ito ng pagbibigay ng respeto sa karapatan ng mga cause-oriented groups na magsasagawa ng rali, katiyakan na ang pagsasagawa ng rali ay naaayon sa batas, magpapatupad ng maximum tolerance, monitoring sa mga nagra-rali upang matiyak na walang gulong magaganap at panawagan sa mga raliyista, protesters na bantayan ang kanilang hanay upang hindi mapasok ng ibang grupo at criminal elements.
Ayon kay Reyes, kailangan na mabigyan ng pagkakataon ang mga labor group at iba pang cause oriented groups na ipaalam ang kanilang mga karapatan lalo pat sa nagaganap na sitwasyon sa bansa.
Hindi umano maaaring sikilin ang karapatan ng mga ito dahil lalabag lamang ang pamahalaan sa batas.
Bukod sa ikakalat na libong pulis, pakikilusin din ng MMDA ang may 2,000 nilang traffic enforcers para tiyakin na walang magaganap na karahasan sa pagdiriwang ng Labor Day.
Tinatayang nasa 30,000 manggagawa ang lalahok sa malawakang pag-aklas at ang magiging assembly points ng mga ito ay ang Plaza Miranda, PGH Taft Avenue, Moriones St., Tondo, Carriedo sa Sta. Cruz at ilang piling lugar sa Quezon City at Makati City.
Kasabay nito, kabi-kabilang kilos protesta rin ang isasagawa sa Baguio, Central Luzon, Southern Luzon, Bicol Region, Cebu, Eastern Visayas, Negros, Davao Provinces, Southern Mindanao at iba pang pangunahing rehiyon sa bansa. (Ulat nina Doris Franche,Joy Cantos at Lordeth Bonilla)