Ayon sa source, wasak na wasak at posibleng hindi na mapakinabangan ang isa sa tatlong Nissan Urvan ng Senado matapos umanong maaksidente sa North Luzon Expressway kamakailan.
Apat na sasakyan pa ang nadamay sa naturang aksidente at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin ipinaaalam sa liderato ng Senado.
Nabatid na ang nasabing sasakyan ay gamit umano ng anak na lalaki ni senate protocal secretary at IPU organizing head Carmen Arceno nang maganap ang aksidente.
Bagaman nakaligtas sa panganib ang batang Arceno, may pananagutan umanong dapat sagutin ang senate official dahil kahina-hinala kung papaanong ipinagamit ito sa kanyang anak kahit naka-MR sa kanya.
Nabatid na ang batang Arceno ay kinuha umano bilang consultant ng IPU at pinasusuweldo ng P18,500, ayon pa sa source. Kung pagbabatayan ang objective sa pagbili ng naturang sasakyan, hindi umano maaaring gamitin ito sa ibang aktibidades lalo na sa personal na gamit ng sinuman. (Ulat ni Rudy Andal)