Mabigat na parusa vs madayang gasolinahan isinulong

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at umano’y pandaraya ng ilang gasolinahan, isinulong ngayon ni Quezon City 1st District Councilor Joseph Juico ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga ito.

Ang ordinansa na inakda ni Juico ay nasa ikatlong deliberasyon na ay naglalayong bigyan proteksiyon ang mga consumers ng produktong petrolyo at Liquified Petroleum Gas (LPG).

Nabatid na sa ilalim ng ordinansa, ang mahuhuling mandadaya ng higit sa 50 milliliter sa bawat 10 litro ay papatawan ng multang P1,400 at pagkakulong ng isang buwan, P5,000 sa ikalawang paglabag at dalawang buwan na pagkakulong habang pagbawi naman sa business permit ng gasolinahan at pagkakulong ng tatlong buwan sa ikatlong paglabag.

Tiniyak ni Juico na sa kanyang ordinansa ay magbibigay ng proteksiyon ang mga consumers mula sa mga mapagsamantalang negosyante.

Pinapurihan naman ni QC Mayor Feliciano Belmonte, Jr. ang nasabing ordinansa sa pagsasabing napapanahon ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga madayang gasolinahan lalo pa’t walang humpay ang pagtataas ng presyo ng gasolina. (Doris M. Franche)

Show comments