Sinabi ni WPD-GAS chief, Supt. Arturo Paglinawan na naging iresponsable si P/Insp. Junny Sayno, hepe ng Investigation section ng Pasay police nang hindi nito i-turn-over sa kanila ang suspect na si Alfred Leung, 42, ng #902 Araro St., Makati City kahit na mayroon na silang kasunduan nito.
Sa rekord ng GAS, nabatid na nabiktima ni Leung ang Shermina money changer sa may #1520 A. Mabini St., Ermita dakong ala-1:15 kamakalawa ng madaling-araw nang magpapalit ito ng walong pirasong pekeng US$100 bill na umabot sa halagang P41,000.
Matapos nito, muling nambiktima si Leung sa Pasay City kung saan nabuko naman ang kanyang modus-operandi na naging sanhi ng kanyang pagkaaresto. Napanood naman ni Mina Yasin, 43, may-ari ng Shermina money changer ang pagkaaresto sa suspect sa isang pang-umagang newscast sa telebisyon kaya dali-dali itong nagtungo sa Pasay.
Pinabalik naman si Yasin ni Insp. Sayno sa WPD-GAS upang doon magreklamo na ginawa naman nito. Sinamahan naman ni Insp. Diosdado Lagajino si Yasin pabalik ng Pasay police kung saan positibo nitong itinuro si Leung.
Dito nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Pasay police, WPD-GAS at ni Yasin na ibibigay ang kustodya sa suspect sa Manila police matapos na ma-inquest ito sa kaso nito sa Pasay.
Nagduda naman si Paglinawan nang hapon na ay hindi pa tumatawag si Sayno sa GAS kaya pinapuntahan nitong muli sa kanyang mga pulis ang suspect sa Pasay kung saan nadiskubre na pinalaya na ito matapos na makapaglagak ng piyansa.
Sinabi ni Paglinawan na walang karapatan ang Pasay police na umalma sa pahayag nilang naging iresponsable ito sa paghawak sa Taiwanese dahil sa silang lahat ang may kasalanan kaya hindi ito agad nasampahan ng kaso sa Maynila. Dahil dito, direct filing na lamang ang kanilang isasagawa sa Manila Prosecutors Office laban sa suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)