Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang mga naaresto na sina Paul Edward John Flavell at Sam Beany, na kasalukuyang nanunuluyan sa Rm. 305 CEO Apartments sa #72 Jupiter St., Makati City.
Pinaghahanap naman ang mga kasamahan ng mga ito na kapwa rin British at nakilalang sina Zeki Mehmet Bayran at Peter H. Wittkamp.
Sa ulat ng NBI-Anti Graft Division, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa DHL Phil. International Cargo Forwarder kaugnay sa naka-pending na shipment ng dalawang dayuhan na sina Flavell at Beany na hinihinala nilang mga ilegal dahil sa nakalagay sa isang steel box.
Kasama ang ilang opisyal ng US Embassy agad na ininspeksyon ang naturang kargamento kung saan nakumpirma na pawang mga pekeng US Federal Bank notes ang laman nito na aabot sa halagang tatlong trilyong dolyar.
Nabatid pa na ipapadala sana ito sa Zurich Freilager sa Switzerland.
Hinihinala ngayon ng NBI na isang malaking sindikato na gumagawa ng mga pekeng dolyares at bank notes ng Estados Unidos ang kumikilos sa Pilipinas na pinamumunuan ng mga dayuhan. (Ulat ni Danilo Garcia)