Sa 4 na pahinang complaint affidavit kahapon na isinumite sa Las Piñas City Prosecutors Office ng mga biktimang sina Majeed Mohammad Asif, ng BF Homes International, Las Piñas City at ng business partner nito na si Elizabeth Borcelis sa pamamagitan ng kanilang abugado na si Atty. Leonardo Paglinawan. Kinilala ang mga inireklamong pulis na sina Supt. Danilo Pelesco; Chief Inspector Jovem Bocalbos; Sr. Inspector Levi Hope Basillo; SPO1 Dominador Nipas Jr.; PO1 Nelson Coderes; PO2 Marvin Zata; PO1 Gerald Ziganay; Jose Ma. Raymundo Garchitorena; PO1 Roderick Calayanan at SPO3 Endaya, pawang nakatalaga sa Regional Intelligence Special Operation Office ng NCRPO.
Kasong robbery ang iniharap sa mga nabanggit makaraang kunin ng mga ito ang dalawang sasakyan, mga cellphone, alahas at cash na nagkakahalaga ng P.2 milyon sa mga biktima.
Bukod pa ang kasong extortion dahil hiningan umano ng naturang mga pulis ng halagang P10 milyon ang dalawang biktima at kasong harassment dahil lagi silang tinatakot at pinagbabantaan ng mga ito.
Nag-ugat ang reklamo matapos na magsagawa ng ilegal na pagsalakay ang mga pulis sa tanggapan ng mga biktima noong nakalipas na Disyembre 9, 2004 sa B830 Tangier St., Tropical Palace, BF Homes International sa nabanggit na lungsod kung saan sinasabing nagpupuslit umano sila ng mga imported na gamot. Gayunman, wala namang narekober na mga kontrabando ang mga pulis. Dahil dito ibinasura ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 202 ang ikinaso ng mga suspect sa mga biktima dahil sa kawalan ng ebidensiya, kung kaya bumuwelta ng kaso ang dalawa laban sa 10 pulis. (Ulat ni Lordeth Bonilla)