Ito ang ipinahiwatig kahapon ni PNP Chief Director Gen. Arturo Lomibao.
Gayunman, nilinaw nito na kasalukuyan pa niya itong pinag-aaralan kung saan ay hinihintay pa rin niya ang magiging rekomendasyon ni NCRPO chief Avelino Razon Jr. bago desisyunan ang bagay na ito.
Sa isang late breaking news, sinibak na kahapon ang hepe ng pulisya sa Pasig City na si Senior Supt. Raul Medina na pinalitan ni Supt. Celso Beltran .
Inamin ni Lomibao na dalawang mambabatas ang nagrekomenda na sa kanya na ipatupad ang pagsibak sa mahigit na 200 puwersa ng Pasig City police bunga ng naturang insidente.
Dahil nga dito ay inatasan din niya si Razon na pag-aralang mabuti ang panukala bago sila gumawa ng desisyon.
Nabatid na ang rekomendasyon ng dalawang mambabatas na hindi tinukoy ni Lomibao ang pangalan ay nag-ugat sa pagkapaslang kay dating Congressman Henry Lanot, gayundin ang pagkaaresto sa tatlong tauhan ng pulisya dito na sangkot sa bigong holdap.
Binanggit din umano ng dalawang kongresista na sunud-sunod rin umano ang mga nagaganap na krimen sa lungsod na hindi naman natutugunang solusyunan ng puwersa ng pulisya dito.
Magugunitang unang nasampolan ng panunungkulan ni Lomibao bilang PNP chief ang buong puwersa ng pulisya sa lalawigan ng Albay.
Tinatayang 529 pulis sa lalawigan ang sinibak sa puwesto dahil sa kabiguan ng mga ito na masupil ang mga private armies sa lugar, ang ilan naman ay nagsa-sideline bilang mga bodyguards ng mga politiko dito. (Ulat ni Joy Cantos)