Nakilala ang mga nadakip na sina Eugene Lacap, naninirahan sa loob ng Manila North Cemetery at ang pinagbentahan nitong si Laura Pangilinan ng Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, nag-ugat ang pagkakadakip sa dalawang suspect makaraang magreklamo si Carlos Cruz nang madiskubre nito na binaboy ang mga labi ng kanyang lola na nakalibing sa naturang sementeryo.
Nauna rito, sinabi ni Cruz na ipinatibag niya noong Lunes ang nitso ng kanyang lola dahil sa akalang buto na lamang ito. Ngunit nang madiskubre niyang buo pa ang bangkay ay ipinabalik muli niya sa nitso. Kasama umano sa nagtibag sa nitso si Lacap.
Nang balikan niya ito ay nadiskubre niya na ninakaw ang ataul ng kanyang lola na ibinalik sa nitso pero ibinalot na lamang sa kumot at wala na ang ataul.
May nagbigay sa kanya ng impormasyon na si Lacap ang kumuha dito kaya agad niya itong ipinaaresto sa pulisya. Itinuro naman ni Lacap si Pangilinan na pinagbentahan niya ng ataul. Ito ay nadakip sa Caloocan City.
Nabatid na pinag-interesan ni Lacap na ibenta ang ataul sa isang junkshop ng P7 per kilo. Umabot sa P133 ang kanyang kinita sa tinimbang na mga bakal ng ataul.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawang nadakip. (Ulat ni Danilo Garcia)