Dakong alas-2 ng hapon nang dumating sa city hall ang itinalaga ng Malacañang na si Christopher Malonzo kasama ang kanyang inang si Gwedolyn "Gigi" Malonzo, dating city administrator Mamerto Manahan at mga supporters nito.
Pagpasok pa lang ng grupo ni Malonzo sa city hall ay agad na silang hinarangan ng mga guwardiya at sinabihan na hindi sila puwedeng pumasok sa loob sa hindi malamang dahilan.
Matapos ang maiksing paliwanag ay napapayag din ng grupo ni Malonzo ang mga security guard na papasukin sila sa loob hanggang makarating ang mga ito sa session hall kung saan naghihintay naman ang napakaraming supporters ni Echiverri.
Hindi naman natuloy ang naka-schedule na session dahil bukod sa batang Malonzo ay dalawa lamang konsehal ang dumalo.
Sa labas naman ng city hall nagkainitan ang magkabilang panig matapos na magkapikunan ang mga ito kung saan ay nabugbog ang isa sa mga supporters ni Malonzo na si Romy Alora at naawat lamang nang magdatingan ang mga rumespondeng tauhan ng SWAT ng Caloocan City.
Matatandaan na noong Abril 1 nang ibaba ng Malacañang ang appointment ng batang Malonzo bilang kapalit ng yumaong konsehal na si Popoy Rosca.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Christopher na hindi na mapipigilan ng mga kalaban ng kanyang ama ang kanyang pag-upo bilang konsehal dahil ito ang kagustuhan ng Malacañang bukod pa sa gusto niyang pagsilbihan ang lungsod na pinatakbo ng kanyang ama sa loob ng siyam na taon. (Ulat ni Rose Tamayo)