Base sa 5-pahinang complaint affidavit ng isa sa pangunahing complainant na si Hadji Bauio Limbona, kung kaharap lamang umano niya si Soriano nang tawagin nitong mamamatay-tao ang mga Muslim ay malamang na napilipit na niya ang leeg nito.
Sa reklamo ng mga Muslim, ipinahayag umano ni Soriano sa kanyang programang "Itanong Mo Kay Soriano" na mapapanood sa UNTV Channel 37 "na namumutol ng ulo ang mga Muslim kapag hindi nila ka-relihiyon. Malulupit ang mga Muslim," dahil sa pagbitay ng mga ito kay Flor Contemplacion.
Bukod dito, marami rin umanong mga pangit na salita ang sinabi ni Soriano sa kanyang programa tulad ng "Malulupit kayo, dahil ang relihiyon nyo mali, hindi sa Diyos, maka-hayop, maka-demonyo at mga tarantado kayo."
Bunsod nito kayat personal na nagtungo ang mahigit sa isang libong Muslim mula sa mga mosque compound ng Taguig, Quiapo, Baseco at San Andres, Maynila upang personal na maghain ng kaso laban kay Soriano.
Hindi na rin nakapagpigil ang mga Muslim kay Soriano matapos umano silang tawaging "mamamatay-tao, nananaga, nambabaril at nanggagranada".
Nangangamba naman si Limbona na posibleng magkaroon ng religious war sa naging pahayag ni Soriano.
Naging basehan umano ng grupo ng mga Muslim ang kanilang paghahain ng kaso kay Soriano matapos silang makakuha ng kopya ng VCD mula sa isang miyembro ng Dating Daan at kanila itong pinanood sa harap ng Manila Golden Mosque sa Quiapo, Manila. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)