10 nasawing ASG sa jail, positibo sa powder burns

Sampu sa 25 Abu Sayyaf bandits na nasawi sa naganap na 2-day mutiny sa kanilang detention cell sa loob ng Camp Bagong Diwa complex sa Taguig kamakailan ang napag-alaman na positibo sa powder burns.

Kabilang sa mga napag-alamang nagpaputok ng baril ay sina ASG top leaders Hasbie Daie, alyas Ka Lando, tumayong negosyador ng grupo; Alhamser Manatad Limbong, alyas Kumander Kosovo; Gahlib Andang, alyas Commander Robot at Nadjmi Sabdula, alyas Kumander Global.

Ang naturang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) ay nagbura sa mga espekulasyon na si Andang ay biktima ng summary execution ng elemento ng Special Action Force (SAF) na siyang pumasok sa Metro Manila Detention jail (MMDJ) noong nakalipas na Marso 15.

Nabatid pa sa SOCO report na si Ka Lando at Ammil Ulla ay positibo sa gunpowder nitrates sa kanilang dalawang kamay.

Si Robot, Ahmed Sajiron, Ahmed Upao, Abdulrashid Lim at Jojo Batazara Jolo ay positibo sa kanilang kanang kamay, habang si Kosovo, Global at Almudi Tarbangsa ay sa kanilang kaliwang kamay.

Kabilang naman sa napag-alaman na negatibo sa gunpowder nitrates ay sina Ibrahim Joe, Gaffar Mundi, Muhaizer Tilao, Edcel Tomas Piga, Ibno Hasser Agasi, Jalal Ampazo, Alamazul Mawadi, Basoan Pael, Ahmed Arawangza, Badran Abdulhamid, Maulo Mubassirin, Jay Nassier at Kair Abdulgaffar.

Dalawa pang Abu Sayyaf bandits na sina Ibno Mubarak at Burham Abdulahadji na nauna nang napatay bago pa ang bigong jailbreak noong Marso 14, ay negatibo rin sa powder burns.

Gayunman, ipinaliwanag ni Supt. Mitch Filart, CIDG south sector commander na bagamat 15 ang negatibo sa gunpowder nitrates, hindi umano ito nangangahulugan sa hindi sila nagpaputok ng baril.

Isinailalim ang 25 napatay na Abu Sayyaf sa paraffin tests ng SOCO team sa pangunguna ni Supt. Cristina Freyra matapos ang isinagawang assault sa loob ng jail.

Magugunitang sa naturang insidente tatlong jailguards at isang pulis ang nasawi. (Ulat ni Non Alquitran)

Show comments