Sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo, iprinisinta ng mga opisyal ang mga kemikal na gamit sa paggawa ng pampasabog na kinabibilangan ng 400 kilo ng sulfur chloride, 18 canister ng Improvised Explosive Device (IED), 200 kilo ng potassium chloride, aluminum chloride at ammonium nitrate.
Ayon kay AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRC) Command Chief Lt. Gen. Allan Cabalquinto, ang mga kemikal ay nasabat ng mga tauhan ng ISAFP dakong ala-1 ng hapon sa isang apartment sa Lilac St., West Fairview, Quezon City nitong Miyerkules.
Bago ito ay nasakote muna si Tyrone Dave Santos alyas Daud Santos sa RSM Compound sa Cubao, Quezon City kamakalawa dakong alas-3 ng hapon.
Kasabay nito ay sinabi ni Cabalquinto na napigilan ang planong pambobomba ng Abu Sayyaf ngayong Holy Week.
Si Daud ay kapatid umano ng lider ng Abu Sayyaf bomber na si Hilarion del Rosario Santos Jr. alyas Ahmed Santos, lider ng Rajah Solaiman Revolutionary Movement (RSRM) na naatasang magsagawa ng pambobomba sa Metro Manila.
Ang nasabing suspect ay isang Balik-Islam o Muslim convert na nasakote na noong nakalipas na taon sa Anda, Pangasinan pero nakapagpiyansa.
Sinabi naman ni Eduardo Binungcal, may-ari ng apartment na doon nasamsam ang mga eksplosibo na nagsimulang mangupahan sa kanya ang isang nagngangalang Jimboy Rivera noon pang Disyembre 18, 2004 hanggang sa kasalukuyan.
Nitong nakalipas na Martes niya ito huling nakausap ng magbayad ng P5,000 upa sa bahay. Dito na rin niya nakita na may kasama na itong tatlong babae at tatlong lalaki na umaalis at dumarating sa kanyang paupahang apartment.
Ayon naman kay CPD-District Intelligence and Investigation Division chief Supt. James Brillantes na may kakayahan na makapagpasabog ng gusali ang mga kemikal kung mabuo itong lahat at gawing bomba.
Ayon pa sa ulat, ang Malate church ang isa sa tina-target na bombahin ng mga terorista ngayong Semana Santa. (Ulat nina Joy Cantos at Doris Franche)