Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang nadakip na si George OReilly, 60, turista buhat sa Georgia, USA at pansamantalang nanunuluyan sa Manor Hotel sa Jorge Bacobo St., Malate.
Sa ulat ng NBI Special Action Unit, nabatid na namonitor nila ang pambibiktima ng suspect sa mga batang lalaki sa isinagawa nilang surveillance noong nakalipas na Marso 9 kung saan naging positibo ang madalas na pagkontak nito sa mga bugaw sa Malate.
Nitong Marso 11, pinasok ng mga ahente ang Manor Hotel kung saan napansin nila ang tatlong batang lalaki na naka-uniporme pa ng paaralan na kasama ng isang hinihinalang bugaw. Pumasok ang mga ito sa kuwarto ni OReilly.
Dito na nakipagkoordinasyon ang mga ahente sa administrasyon ng hotel hanggang sa pasukin na ang kuwarto ng turista. Naabutan naman ang batang biktima na itinago sa pangalang Dennis na naliligo sa banyo.
Ayon kay Dennis hindi umano niya kaanu-ano ang suspect at dinala siya ng kanyang bugaw para sa serbisyo kapalit ng pera.
Sinampahan na ang suspect ng kasong paglabag sa Sec.6 Article III ng RA 7610 o Attempt to Commit Child Prostitution habang nasa kustodya naman ng DSWD ang biktimang si Dennis. (Ulat ni Danilo Garcia)