Holdap: 1 patay, 1 pa kritikal

Patay ang isang contractor ng Manila Electric Company (Meralco) at kritikal naman ang isa pang kasamahan nito makaraang pagbabarilin sila ng tatlong hindi pa nakikilalang mga holdaper at tangayin ang dala nilang pera, kahapon ng tanghali sa Mandaluyong City.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala ng baril sa katawan ang biktimang si Noel Altarejos, 32, ng Taytay, Rizal, samantalang malubha namang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa Lourdes Hospital sanhi ng tinamong tama sa ulo ang kasamahan ng una na si Honorio Fariñas, 29.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-11:45 ng tanghali sa kahabaan ng Luna Mensias sa may kanto ng Shaw Boulevard sa lungsod.

Napag-alaman na sakay ng kanilang Nissan Pick-up na may plakang PWX-664 ang mga biktima ng bigla silang harangin ng mga suspect sakay ng kulay itim na motorsiklo at bigla na lamang pinagbabaril ang mga biktima.

Matapos ang pamamaril ay lumapit ang isa sa mga suspect sa sasakyan ng mga biktima at kinuha ang dalang attache case na may lamang P240,000 cash bago tuluyang nagsitakas.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Mandaluyong Police para sa agarang pag-aresto sa mga suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments