Kinilala ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang mga suspect na sina Antonio Agustin, ng Novaliches, Quezon City; Elizabeth Tolosa, ng Sikatuna Village, Quezon City; Edmar Alfaro, ng South Triangle, Quezon City at Ferdinand Aganad, ng Proj. 8, Quezon City.
Nag-ugat ang kaso matapos na humingi ng tulong sa NBI si CSC-NCR Director Agnes Padilla matapos na madiskubre nila na nagkaroon ng anomalya sa mga isinagawa nilang eksaminasyon.
Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI na dalawa ang modus operandi ng grupo. Isa rito ang pagkakabit ng mga piraso ng papel na nakasulat ang mga sagot sa eksaminasyon sa ginagamit na mga lapis ng mga kumukuha ng pagsusulit.
Ikalawa ang paggamit naman ng "library" o ang koleksiyon ng "Answer Data Files (ADF)" ng mga nakaraang nakapasang examinees. Pagpapalitin umano ng sindikato ang examinee number sa numero ng library sanhi upang makapasa ang nagbayad na examinee.
Sa isinagawang imbentaryo, apat na diskette sa drawer buhat kay Aganad ang natagpuan na naglalaman ng ADF ng mga dating pumasang examinees. Nang ikumpara sa mga kumuha ng eksaminasyon noong 2004 at 2005, nadiskubre na 52 sa mga eksaminasyon nito ang tumugma sa 49 na ADF.
Sa panayam naman sa 1 sa 52 examinee, sinabi nito na isang nagpakilalang "Randy" ang kumumbinse sa kanya na gumamit ng ikalawang modus kapalit ng halagang P40,000. Pumasa naman ito na may markang 81.08%.
Nang pakitaan ng litrato ng mga empleyado, itinuro nito si Tolosa na siyang nagpalipat sa kanya sa ibang computer at nagbigay sa kanya ng resulta ng eksaminasyon.
Sinampahan na ang mga suspect ng kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices at RA 8792 o E-Commerce Act at Art 210 ng Revised Penal Code o Direct Bribery sa Office of the Ombudsman. (Ulat ni Danilo Garcia)