Nakilala ang nasawing biktima na si Merwin Mendoza, 3rd year BS Geological Science student ng UP.
Agad namang naaresto ang mga suspect na sina Rodolfo Balais, umanoy miyembro ng Sigue-sigue Sputnik Gang, Jericho Conde at Mark Aspiras.
Sa ulat ng Criminal Investigation Division ng CPD, naganap ang krimen ganap na alas-9 ng gabi sa tapat ng Palma Hall sa UP Diliman, Quezon City.
Kasama umano ng biktima ang kanyang kasintahan na si Kaleyse Fabian at habang naglalakad sa tapat ng Palma Hall ay bigla na lamang silang hinarang ng tatlong suspect. Pilit na inaagaw ang cellular phone ng babae subalit nanlaban ang biktima dahilan upang saksakin ito sa dibdib ng isa sa mga suspect.
Nang maagaw ang cellphone, agad na tumakas ang mga suspect, samantalang mabilis namang isinugod ang biktima sa UP Infirmary Building subalit hindi na rin nailigtas ang buhay nito.
Nahuli naman sa isinagawang follow-up operation ang mga suspect na sina Balais at Conde at narekober sa mga ito ang cellphone ng dalaga at cash na P490.00.
Matapos ito, naaresto rin si Aspiras makaraang ikanta nina Balais at Conde na umanoy siyang sumaksak sa biktima.
Ang mga akusado ay sinampahan na ng kasong robbery with homicide sa QC Prosecutors Office. (Ulat ni Angie Dela Cruz)