Sinabi ni MIAA general manager Alfonso Cusi, ang kahilingan ay ipinaabot matapos magpakamatay kamakalawa ang isang piloto ng Air Philippines na si Edwin Magbanua, 47, tubong Poblacion Mawad, Davao del Norte.
Ang labi ni Magbanua ay natagpuan ng isa sa mga empleyado ng Pacific Air na si Rodnie Prollan sa ikalawang palapag ng abandonadong hangar na dating inookupa ng Elizalde Aviation Corp. sa Manila Domestic Airport.
Ayon kay Cusi, napakahalagang nasa hustong pag-iisip ang mga piloto ng eroplano dahil sa kung sakaling walang kakayahan ang pag-iisip ng mga ito ay posibleng magdulot ng panganib sa mga pasahero lulan ng eroplanong pinalilipad ng mga ito.
Kaugnay nito, inihayag naman ni MIAA Asst. General Manager for Security and Emergency Services, Ret. Gen. Angel Atutubo na "precautionary measures" aniya ang pagbibigay ng psychological tests.
Idinagdag pa nito na sakali umanong hindi kaya ng mental capacity ng piloto ang problemang kinakaharap ay posibleng maapektuhan ang pagganap nito sa tungkulin bilang flight pilot.
"Mahirap ikompromiso ang maraming buhay ng mga pasahero kaya nararapat lang na ipasailalim sa rigid psychological test ang mga piloto bilang bahagi ng safety measures sa mga manlalakbay," ani Atutubo. (Ulat ni Butch Quejada)