Nakilala ang nasawi na si Capt. Edwin Magbanua, 40.
Ayon kay Gen. Angel Atutubo, assistant general manager for Emergency and Security Services ng Manila International Airport Authority, dakong alas-11:25 kahapon ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Magbanua ni Rodney Prollan, kawani ng Pacific Air, nang mapagawi ito sa Bldg. 17 ng lumang hangar na dating pag-aari ng Elizalde Aviation.
Ang bangkay ay positibong kinilala ni Benjamin Bacudo, kaibigan ng biktima at nagtatrabaho sa Aviation Technology Inc.
Sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na huling nakita si Magbanua noong Linggo ng umaga habang nagbabasa ng diyaryo. Noong Lunes ay hinahanap umano ito ng kanyang mga kasamahan dahil sa may nakatakda itong flight.
Nabatid pa sa mga kasamahan ni Magbanua na magmula ng mamatay ang kanyang asawa at anak ay nakitaan na ito ng matinding kalungkutan at kung minsan ay nagmumukmok sa kanyang silid at hindi nagsasalita o kumikibo.
Hinala ng mga imbestigador na matinding depression ang nagtulak kay Magbanua upang ito ay magpatiwakal. Wala namang foul play na nakikita ang mga imbestigador buhat sa SOCO.
Gayunman, isasailalim pa rin sa awtopsiya ang labi ng piloto upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito. (Ulat ni Butch M. Quejada)