Bakasyon ng mga tauhan ng Coast Guard kanselado

Kanselado na ngayon ang bakasyon o ‘leave’ ng lahat ng tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng paghahanda sa nalalapit na pagdagsa ng mga pasahero na magsisiuwian sa kani-kanilang probinsiya ngayong darating na Semana Santa.

Sinabi ni PCG Commandant Arthur Gosingan, kinansela na ang mga bakasyon dahil sa kailangang laging "on call" ang lahat ng tauhan nila sa oras na may nangyaring emergency sa susunod na linggo.

Kailangang laging handa umano ngayon ang PCG sa anumang banta ng pananabotahe at maging sa araw-araw na gawain sa pantalan. Kailangan rin na kumpleto ang seguridad na ipapatupad upang hindi malusutan ng mga terorista.

Dito magde-deploy ng mga sea marshall at pag-iikot ng mga K-9 unit para sa kahina-hinalang bagahe.

Sinabi ni Gosingan na hindi na dapat maulit ang naganap na pagpapasabog ng mga terorista sa SuperFerry 14 noong nakaraang taon. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments