Holdaper dedo sa bagitong parak

Nabaril at napatay ng isang bagitong pulis ang isang holdaper at naaresto pa ang dalawa nitong kasamahan makaraang makipagbakbakan ang una sa grupo ng mga suspect sa loob ng isang pampasaherong jeep, kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Nakilala ang nasawing holdaper na si JC Ikham, ng Sta. Cruz, Maynila, samantalang ginagamot naman sa Jose Reyes ang mga kasamahan nitong sina Manuelito, 15, na tinamaan ng bala sa tiyan at Henry Fernandez, na bugbog-sarado naman sa taumbayan.

Nadakip ang mga ito ng nag-iisa at pasahero rin sa hinoldap nilang jeep na si PO1 Nino Baladjay, nakatalaga sa Caloocan police station.

Sa ulat ng WPD Homicide Division, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi habang sakay ng pampasaherong jeep na may biyaheng Rotonda-MCU ang tatlong suspect.

Pagdating sa panulukan ng Bambang at Remegio Sts. ay nagdeklara ang mga ito ng holdap at agad na nilimas ang mga salapi at gamit ng mga pasahero.

Isang babaeng pasahero naman umano ang biglang nagsisigaw at akmang sasaksakin ng suspect na si Ikham nang magpasyang magbunot ng baril si Baladjay kung saan agad na pinaputukan ito. Nagtangka pang tumakas ang dalawang kasamahan ng nasawi subalit humabol na rin ang iba pang pasahero at taumbayan.

Spot promotion naman ang naghihintay sa bagitong pulis na nagpakita ng kanyang katapangan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments