14 puno ng marijuana, itinanim sa loob ng La Mesa Dam

Umaabot sa 14 na puno ng marijuana ang kinumpiska ng mga tauhan ng Central Police District Office (CPDO) matapos na madiskubre ang isang taniman nito sa loob ng La Mesa Dam kasabay nang pagkadakip sa dalawang lalaki na nangangalaga sa lugar sa Quezon City.

Inihahanda na ang kaso laban kina Benjamin Pangilinan, 57; at Artemio Gonzales, 52.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon nang salakayin ng mga operatiba ang La Mesa Dam sa may Novaliches, Quezon City.

Nabatid na matagal na umanong isinasailalim sa masusing surveillance ang naturang lugar matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isang asset na mayroon umanong nakatanim na marijuana sa naturang lugar.

Natiyempuhan naman ng mga awtoridad ang dalawang suspect habang nakatambay sa lugar ng isagawa ang operasyon. Natagpuan din ang may 14 na puno ng marijuana.

Pinabulaanan naman ng mga suspect ang akusasyon sa kanila, kasabay nang pagsasabing hindi nila nalalaman na may nakatanim na marijuana sa lugar. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments