PDEA umalma sa report ng US Department

Umalma kahapon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ipinalabas na report ng US State Department na panglima umano ang Pilipinas sa itinuturing na shabu exporter sa buong mundo.

Ayon pa kay PDEA Executive Director General Anselmo Avenido Jr., walang basehan ang nasabing ulat ng US State Department dahilan wala namang malaking bahagi ng ilegal na droga na nasasabat sa ibang bansa na nanggagaling sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Avenido na kung may nasamsam na droga ang mga awtoridad sa ibang bansa galing sa Pilipinas, ito’y gramo lamang at hindi bulto-bulto para ihanay sa Estados Unidos sa mga nasyong pangunahing exporter ng ipinagbabawal na gamot.

Nabatid na binansagan ng US State Department ang Pilipinas na No. 5 exporter ng shabu dahilan sa sunud-sunod na laboratoryo ng shabu na nalansag ng mga awtoridad sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

Magugunita na nitong huling bahagi ng nakalipas na taon ay nakasamsam ang PDEA at PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force ng may P13 bilyong droga sa Cebu na itinuturing na pinakamalaking laboratoryo ng shabu sa Southeast Asia na nagresulta rin sa pagkakahuli sa 11 Chinese drug traffickers. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments