Ayon kay Radovan, malaking tulong ang paggamit ng bisikleta sa paghabol sa mga kriminal kahit nasa gitna ng trapiko.
Una nang nabigyan ng bike patrol ang CPD-Kamuning Station na pinamunuan ni Supt. Alfred Corpus. Ang mga bike patrol ay 24 oras na maglilibot sa ibat ibang lugar na sakop ng nasabing himpilan ng pulisya upang maproteksiyunan ang mga publiko lalo na sa mga madidilim na lugar.
Nabatid na ang 10 bisikleta ay bigay ng Rotary Club of West Cubao samantalang ang East Kamias naman ay nangako na magbibigay ng 20 unit ng mountain bike.
Idinagdag pa ni Radovan na inaprubahan na rin ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte ang pagbili ng 110 bisikleta na ipapamahagi sa mga pulis na ikakalat sa Cubao, Balintawak, Novaliches at Commonwealth na sinasabing madalas ang holdapan.
Matatandaan na inutos ni NCRPO chief Director Avelino Razon sa mga police district ang pagpapaigting ng police visibility sa kani-kanilang mga nasasakupan. (Doris Franche)