Nagmistulang uling ang biktimang si Geraldine Lusay, 2, ng matagpuan ng mga tauhan ng Quezon City Fire sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Ginagamot sa EAMC ang ina nitong si Evelyn, 35.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Fire, dakong alas-3 ng hapon nang bigla na lamang umusok ang bahay ng mga biktima at mabilis na kumalat ang apoy.
Agad na nakalabas ng bahay si Evelyn, subalit nakalimutan nitong kunin ang anak na natutulog.
Samantala, aabot sa P5 milyon ang halaga ng mga ari-arian nang masunog ang isang pabrika ng damit sa Muntinlupa City na umabot sa 4th alarm kamakalawa ng gabi.
Nasunog ang Great Effects Garments Enterprises, Inc. sa Phil Crest Compound, Building 8 West Service Road, Brgy. Cupang na pagmamay-ari ni Stephen Chiu.
Sa report ni Muntinlupa City Fire Marshall Supt. Danilo Ortiz, nagsimulang kumalat ang apoy dakong alas-10:23 ng gabi.
Tinangkang apulahin ng mga duty guard ang sunog subalit lalo itong nagliyab na naging dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Dakong alas-11:50 ng gabi ng ideklarang under control ang sunog.
Samantala, inalerto naman ni MMDA General Manager Robert Nacianceno ang rescue operation at medical team ng ahensiya sa pagresponde sa anumang sakuna partikular ngayong Fire Prevention Month.
Ayon kay Nacianceno kinakailangan na may sapat na kagamitan ang mga operatiba upang maging matagumpay ang kanilang operasyon sa pagbibigay ng lunas sa mga nadidisgrasya. (Doris Franche at Lordeth Bonilla)